Liham kay Noy mula sa isang dating tibak


Mahal na Noynoy,

Huwag kang magulat sa pambungad ko. Matagal-tagal ko na ding nalampasan ang paghati sa mundo sa kampo ng mga kasama at ang mga kaaway. Saka kailanma’y di naman naging permanente yang mga labels na iyan. Di kailangang maniwala kay Mao para malaman na may mga panahong dapat isangtabi ang hidwaan nang makapag-ipon ng lakas para sa malaki at mahalagang pakikibaka.

Taga-Tarlac ka naman; sigurado akong alam mo na noong World War II ay, kahit paano, nagtulungan ang ilang mga angkang hacendero ng Gitnang Luzon at ang mga Hukbalahap, pati na ang mga Intsik, para lumaban sa Hapon. Siempre, meron din namang Pilipinong tumulong sa mananakop pero wag na nating ungkatin yan; naghahanap lang ako ng ehemplong mauunawaan mo.

Kumuha ka naman ng history subject sa Ateneo, eh, di siguro naman alam mo din na sari-saring tao at pamilya ang nagka-isa para lumaban sa Kastila. Yun na nga lang, di pa tapos ang laban, nagkawatak-watak na; nagpatayan pa nga, eh. At nang dumating ang mga Kano, hayun, nag-unahan para makalapit sa kusina ng bagong amo. Ganyan talaga ang buhay. May ibang nagsasabi, ganyan talaga ang Pinoy. Naku, sa totoo lang, hindi tayo nag-iisa. Ipapakita yan ng anumang history book.

Nalilihis na ako kaya balik tayo sa pangunahing dahilan nitong liham. Pero, teka, bago ako sumugod sa puntong yan, isa pang ehemplo: Ang mahal mong ina, si Tita Cory, ay kasama sa mga grupong nagpatalsik kay Erap, pero nagkasama naman sila sa tangkang ibagsak si Gloria Arroyo — na dati nyo ding ka-alyansa.

Mali naman si Kristie Kenney nang sinabi niyang bumaliktad si Tita Cory sa mga adhikain at values noong nakipag-alyansa kay Erap.

Una, siguradong wala sa usapan nila ang pagbalik ni Erap sa pwesto. Pangalawa, naniwala siguro si Tita Cory na mas mabigat ang kasalanan ni Gloria, dahil talaga naming niyurakan nito ang mga instrumento ng demokrasya para maluklok uli sa Malacanang at manatili sa poder. Yun nga lang, walang klarong planong post-Gloria, at nakaka-turnoff yung nakikitang pagmamani-obra ng iba’t-ibang grupo sa loob ng alyansang ‘yun, kaya di kumagat ang taumbayan. Saka, di pa yata nakalimutan ng masa na ang mga lider ng oposisyon laban kay GMA ay nagkibit-balikat ng dayain niya si Fernando Poe Jr. (Di ko alam kung talagang nanalo si FPJ; ang klaro, ay saksakan ang pandaraya at marami sa inyong mga pulitiko at mga nakakaangat sa buhay ay nagbulag-bulagan o kaya nagbasbas pa sa pandaraya, wag lamang manalo ang isa pang aktor. At wag na nating pag-usapan ang lahat ng mga pulitiko mula sa sari-saring partido na lumuhod sa mga Ampatuan para makadagdag sa kanilang boto.)

Same-same ang tingin ng marami at mukhang nadala na din ang madla sa kinalabasan ng dalawang People Power. Kaya pinili na lamang ng tao, lalo na ng kabataan — na isa sa pinakamahalagang hanay ng kahit anumang pag-alsa — na maghintay ng eleksyon para simulan ang pag-singil kay Gloria. Kaya heto ka ngayon, pilit na maituwid ang daan.

Sya, punta na tayo sa saligang usapin, yung patutsada mo sa League of Filipino Students (LFS) noong nag-salita ka sa Ateneo. Yung ihambing mo sila sa isang diktadurya; yung pagyabang mo sa pagtalikod sa imbitasyong sumapi para lumaban kay Marcos.

Nauunawaan ko kung ba’t di ka sumali sa LFS. Kasama ito sa malaking alyansang naniniwala sa pagsulong ng mga radikal na reporma. Kasama na dyan ang pagwasak sa sistema kung saan ang incestuous ties sa ekonomiya at pulitika ay nagdulot ng tuloy-tuloy na pagsentro ng kayamanan sa kamay ng iilang pamilya. Kasama na dyan ang panawagan ng genuine agrarian reform, na sa paniniwala ng ilang nagmamay-ari ng lupa ay senyales ng komunismo.

Marami namang ganyan ang pananaw noong dekada setenta. Pero sabi nga ni Ernie Baron, weather-weather lang. “Panapanahon”, ayon sa kanta ni Noel Cabangon (na nung kabataan ay kasali din naman sa mga aktibistang kinamumuhi-an mo).

Habang nakikita ang mga abuso at pang-aapi ng diktadurya, madami din ang nag-desisyon na di man magkaisa sa lahat ng paniniwala, may mga bagay na pwedeng pag-usapan, may mga puntong pwedeng mapag-kaisahan.

Alam mo, yang patutsada mo sa “executive committee” ay para na ring patutsada kina Ka Tanny (Sen. Lorenzo Tanada) at iba pang tulad niya na sumali sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) — kung saan kasama din ang LFS.

Kasama naman sa elite sina Ka Tanny. Mula siya sa mga angkan na kung tawagin ng mga aktibista, ay panginoong maylupa. Hindi naman kasi static ang pag-iisip ng tao. Nahuhubog din ang paniniwala ayon sa karanasan at sa mga nakikita at naririnig sa paligid. Kaya nga si Edgar Jopson, na taga-Ateneo din at dati ding masama ang tingin sa mga “pulahan” ay sumapi sa underground nang nakitang sinasakal na ni Marcos ang demokrasya.

Siguro, kung maliit ang isang organisasyon ay pwedeng magpulong ang lahat tuwing may mahalagang bagay na kailangang matalakay, at saka mag one-person-one-vote. Pero kapag lumaki na ang hanay ng isang grupo, hindi na ito praktikal. Kahit pa magtalaga ng kongreso bawa’t taon, kailangan pa din ang isang executive committee na magpatakbo at magdesisyon sa araw-araw– ayon sa saligang pinagkaisahan ng organisasyon. Alam mo naman ito dahil may Liberal Party ka at nakaupo ka dati sa korporasyon ng pamilya at ng mga kaibigan ng pamilya.

Sa kaigtingan ng pakikibaka laban kay Marcos, ilang milyon ang myembro ng Bayan; ilang daang libo ang myembro ng LFS at iba pang grupong kabataan. Kasama po ako sa LFS nung nasa UP; alam kong may kongreso ito. Tulad ng malalaking partido, pumipili ang mga chapters ng delegado sa kongreso at sila ang bumoboto sa mga mahalagang usapin. Ang presumption ay napag-usapan ito sa ibaba.

Wala pang organisasyon sa mundo na tunay na nagkakaisa ang lahat ng myembro sa lahat ng punto. Hindi kailangang maging aktibista para malaman ito. Kadalasan, boto ang umiiral. Ang nakakarami ang nasusunod. Hindi ito usaping komunista. Isang saligang prinsipyo ito ng demokrasya na ang pinaka-klarong ehemplo ay ang eleksyon. Kapag nagpagkaisahan (o nanalo na sa boto) ang isang punto, natural lamang na ang mga myembro ay sumunod kung naniniwala sila sa adhikain ng kanilang organisasyon.

Hindi sa lahat ng bagay nasusunod ang gusto natin. May mga bagay na pwede nating malunok kahit na di tayo lubos na sang-ayon. Compromise ang tawag sa Ingles, the art of give and take kung baga.

May mga panahon din na talagang taliwas sa paniniwala natin ang desisyong napagkaisahan o binaba. Yung talagang babaliktad ang sikmura natin. Kapag nangyari yan, ganito lang ang proseso. Timbangin: May saysay ba ang sumunod? Kakayanin ko pa bang humarap sa salamin kapag nakiisa ako? Kapag ang sagot ay Hindi, umalis ka na. Natdem, socdem, goddem, sa pribadong sector man o sa gobyerno – pareho lang naman ang basehan ng indibidwal na pag-isip at galaw.

Heto, full disclosure: Nung tumakbo si Tita Cory laban kay Marcos, nasa Bayan na ako. Mainit na pinag-usapan ang isyu. Ako, para sa pagsali sa eleksyon. Naku, kung nandun ka lang sa mga debate. Sigawan. Iyakan. Murahan. Kalampagan ng mga mesa at silya; wala yang mga soap opera sa drama namin.

Alam mo natatawa ako ngayon, tawa na may halong lungkot, sa nakaraan. Ang ingay ko sa mga pag-uusap (oo, pati sa baba, kung saan ako nakahanay, tinalakay ang isyu). Nang nagdesisyong mag-Boycott, napatigil ako, nagtanong sa sarili. Kaya ko bang lunukin ito? Kapag tinimbang sa ibang bagay na mahalang aspeto ng pakikibaka, kailangan bang makiisa sa bagay na di ako sang-ayon?

Panapanahon… Nilunok ko ang oposisyon sa Boycott dahil marami pang puntong mas matimbang sa akin. Patuloy ang debate hanggang sa araw ng eleksyon. Umaasa pa ang marami na maaring magbago ang desisyon.

Ganito yun, Noy. Halos araw-araw nakikipagtalastas ako. Ang kulit ko, ang ingay, ang taray. Pero pagkatapos ng miting, hayun, isa ako sa nagsasalita sa radyo para sa Boycott, isa sa mga sumusulat ng polyeto. Hanggang ngayon, naniniwala akong mali ang desisyon na ‘yon pero habang nandun ako, batay na din sa pagtimbang ko, nirespeto ko ang proseso kaya tinanggap ang gawaing inatas.

Mahabang panahon din na kasama ng Bayan si Ka Tanny. Kahit pa naghiwalay sa usapang lumahok sa eleksyong kung saan pinilit na tumakbo si Tita Cory, walang masabing masama ang sinumang aktibista kay Ka Tanny. Lumuha kaming lahat nang sya’y pumanaw. Dahil noong kasapi siya ng Bayan ay talaga namang binuhos niya ang lahat ng lakas at talino para lumaban sa diktadurya.

Totoong may hapdi ang pagbiyak ng samahan; may galit pa nga. Pero, higit sa lahat, may respeto sa papel na ginampanan ng isa’t-isa sa pakikibaka. At may pagkilala na kung wala ang mga aktibista, kung wala ang Bayan at mga katulad nitong grupo, ni di natin narating ang puntong pwedeng labanan si Marcos sa eleksyon. Kasama na dito ang mga nasa underground, ang mga bumuhat ng armas laban kay Marcos. (At kasama din sa armado, kahit sa ibang grupo, ang ilan na malalapit sa pamilya ninyo.)

Dakila si Tita Cory sa pagharap nya sa diktador. At martyr ang iyong amang si Ninoy. Pero, Noy, di siya nag-iisa. Libo-libo ang nagbuwis ng buhay para lamang lumaya ang bayan. Mula sa hanay ng ligal na mga aktibista at sa hanay ng mga nag-underground at sumapi sa National Democratic Front.

Totoong madaming nasa underground ang nanggaling sa hanay ng LFS at ibang organisasyong sa ilalim ng Bayan. Pero, Noy, sila din naman kasi ang pinakamaraming nalagas na kasapi. Lumawak ang NDF ng dahil na din sa pagpatay sa mga ligal na aktibista; marami ang naniwala na kailangan din ang dahas para mapahina ang kamay na bakal ni Marcos.

At madami sa mga panawagan ng mga aktibistang ito ay naging bahagi ng reporma ng Ina mo. Hindi siguro sa lubos na pormang gusto ng mga aktibista. Pero sa iba’t-ibang paraan naipakita din ang kahalagahan na maharap ang mga panawagang ito.

Matagal na akong wala sa kilusang aktibista. Marami akong kritisismo, maraming puntong di na pinaniniwalaan. At naisusulat ko ang mga puntong ito. Sinasabi ko din ng personal sa mga kaibigang nanatiling tibak. Kadalasan, sumasakit din ang ulo ko sa nakikita o naririnig ko. Naiintindihan kita. Nakakapanting ng tenga talaga minsan. Sa ibang liham ko na lang tatalakayin ito; liham naman para sa tibak.

Heto lang masasabi ko, Noy. Maniwala ka man o hindi, isang malaking bahagi ng mga pananampalataya ko ang tagumpay mo bilang Pangulo nitong bansa. Dapat lang. Pilipino ako, nagiisa lang ang bansa ko. Ang tagumpay ng lider na nangakong maituwid ang daan ay tagumpay ng lahat.

Walang halong kaplastikan ito. Tanungin mo pa ang kaibigan kong si Yvette Lee. Isang Byernes, pagkatapos naming bumili ng mga libro sa Fully Booked sa Rockwell, nagkatuwaan kaming magpahula. Tarot cards. May ilang tanong pwedeng isangguni. Eh, hindi naman ako praning sa buhay kaya nawalan na ako ng maitanong.

Ito ang huli kong tanong: “Will the President and this country succeed? Maitutuwid ba ang daan?” Tapos, nagtabon pa ako ng kamay sa mukha, sabay sabi, “please, let it be yes!” Napangiti ang gwapo naming manghuhula. Napangiti din si Yvette, pero sigurado akong naunawaan nya kung bakit naitanong yon.

Kung nakita mo lang ang ngiti ko nang sinabi nyang, “Oo”. Kantyawan na lang ako nang mga ayaw sa iyo. Pero may mga anak ako, lola na nga ako; lahat naman na naging aktibista, isa lang ang panalangin: na sana di na kailanganin ng mga kabataan ang tumahak pa ng aming landas.

Kahit nga si Erap na di ko talaga binoto ay pinagdasal ko din ng tagumpay, alang-alang sa masang naniwala sa kanya. Kahit nga si GMA, pero di na kasali ang 2004, dahil naman winasak nya na ang respeto sa panahong yon.

Kung kailangan sagutin ang LFS sa ilang punto, eh di sagutin. Kung kailangan makipag-debate sa prinsipyo at polisiya, eh di sige, makipag-debate. Ganyan naman ang demokrasya. Pero wag mo naman yurakan ang nakaraan ng ating sambayanan at ipagbale-wala ang kontribusyon ng ilang grupo. Marami ding dating LFS na nasa gobyerno, hala ka.

Noy, lahat tayo nag-alay sa bayan: Iba-ibang porma, ayon sa kaya ng isip at damdamin, depende sa tawag ng panahon.

Kinikilala ko na may mabuting hangarin ka. Huwag mo sanang talikuran ang demokrasyang pinaglaban ng sambayanan. Wag mong kalimutan na madami pa ding repormang kailangan ang bansa. Hindi lang ang LFS ang may panawagan nyan; pati na mga tunay na supporter mo na lagi kong kausap, kinikilala yan.

Ang ingay ay ingay lamang. Wag mong waldasin ang oras at talino mo, at ang goodwill na natitira sa iyo, sa mga walang katuturang pagtutunggali. Di nga ba, the best revenge is success? :)

Best of luck at hanggang dito na lamang,

Inday

(Pusong tibak pa din pero hinahangad ang yong tagumpay)

9 thoughts on “Liham kay Noy mula sa isang dating tibak

  1. Makabuluhan! Padayun sa pakig bisug!!! Kudos! I shared your letter to our group “free thinkers” and they love it!!

    Like

  2. Ka tahum sini nga sulat. A recent twitter and facebook post actually reminded me to visit your site again and I’m glad to have seen this.

    Madamo gid nga salamat.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s