Ano sana ang nabili ng salaping ninakaw ng ‘baboy’?


pig1Ilang linggo nang nangingitngit ang mga Pilipino dahil sa pagnanakaw diumano ng P10 billion mula sa PDAF o pork barrel.

Dumadami na din ang nakikiisa sa mga dating opisyal ng gobyerno na nawagan sa Ombudsman na busisiin din ang  papel ng mga senador at representatives sa paglulustay nitong  pondo.

Pati si Luis Antonio Cardinal Tagle ay naluha na sa business-as-usual na asta ng mga lider ng bansa.

Ilang mambabatas ang pinangalanang kasangkot sa pagbuhos ng pera sa mga ghost projects ng mga pekeng NGOs. May mga news reports na nagsasabing ang diumanong utak ng PDAF scheme na si Janet Napoles ay mahal ng mga mambabatas dahil diumano sa mga kickback na hanggang 70% ng bawat PDAF allotment.

Bagamat pinangako naman ni Pangulong Benigno Aquino III na hihigpitan nila ang proseso sa pag-apruba ng mga proyekto sa ilalim ng PDAF, at ang pag-pili ng mga implementing private groups, hindi yata ito sapat sa taumbayan. Lalo nang sinabi nito na mas malala ang kaso ng P700-million agri fertilizer scam noong panahon ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Mahirap nga namang maunawaan. Todong nangampanya ang gobyernong Aquino para masipa ang pinakamataas na opisyal ng Supreme Court, dahil sa mga di nai-report na mga ari-arian. Ngunit nakikita itong matabang ang reaksyon sa pagkasangkot ng mga kongresista at senador — kabilang na ang mga ka-alyado ng Pangulo — sa malaking pagnanakaw.

Ibang usapin ang higpitan ang proseso. Ibang usapin naman ang pag-imbestiga sa mga kawatan o sa mga tumulong sa kawatan.

Sa maraming Pilipino, simple lang ang usapan: Ang tuwid ay daan ay patas din na daan. Sa usaping pork scam, puno ng lubak at  bukas na manhole ang daan.

Kung nagtataka pa ang Pangulo at mga nasa paligid nya sa ngitngit ng sambayanan, siguro makakatulong ang pag-lista ng kung ano ang katumbas ng ninakaw ng pondo.

Medyo mahirap nga naman ma-imagine ang P10 billion, kaya tutulong tayo. Kung meron kayong dagdag na ehemplo, pakilagay na din sa comment box.

(Update)

Sa Twitter, nag-tanong si @jematoms4h:

ilang school armchairs ang mabibili ng 10B para walang nag-aagawan at nagpapatayang mga bata para sa upuan? #porkbarrelscam

Nagsimula yun sa pagmuni-muni ko, pagkatapos mabasa ang balitang pinauuwi na ng Department of Foreign Affairs ang mga Pilipino sa Egypt, pero voluntary lang daw muna:

Ilang distressed OFWs ang maibabalik sa bansa ng P10-B diverted pork barrel funds?

At habang nagagalit ang taumbayan, ito naman ang patutsada ni Sen. Jinggoy Estrada na una nang pinakitang nakikipag-party kay Napoles at isa sa mga senador na nagbigay ng malaki sa mga ghost NGOs.

We’re not obliged to check NGOs getting pork

Nakakbuang yata ito. Kasama sa obligasyon ng isang senador ang bulatlatin ang mga iba’t-ibang anomalya ng gobyerno. Kasama din ng kapangyarihan nya na mag-desisyon kung saan pumunta ang pera ng taumbayan. Tapos ngayon, sasabihin ng isa sa kanilang wala siyang pakialam kung nag-endorse sya ng kawatan?

ILANG BAHAY?

Core shelters in Ahuy, Iloilo province. Photo from iloilocapitolnewsfiles.com

Core shelters in Ahuy, Iloilo province. Photo from iloilocapitolnewsfiles.com

100,000 na bagong bahay o core shelters ang maitatayo sa mga relocation sites kung susundin ang estimate ng Gawad Kalinga na P100,000 bawat bahay (P110,000 sa ibang lugar).

Panay ang relokasyon ngayon ng mga informal settlers. Kadalasan ang problema, wala namang nakahandang mga bahay para sa kanila.

Ang perang nawawala ay makakapaglipat sana ng 100,000 na pamilya. O di kaya nagamit ito sa paglalagay ng patubigan at kuryente sa mga relocation sites.

PAGKAIN PARA SA MGA BAKWIT

Magkano ang halaga ng isang food pack na pinamumudmod ng DSWD sa tuwing may kalamidad o kapag may gerang pumutok at naging sanhi ng paglilikas ng isang komunidad?

Kadalasan may 2 kilong bigas, may ilang de lata, may sabon, shampoo, toothbrush at toothpaste, kumot at ilang damit. Sabihin pang P500 ang bawat isa (at sigurado akong di aabot dito ang halaga), makakabili ang gobyerno ng 20 million na food pack.

Isipin nyo ito sa sunod na makita nyo ang mga bakwit na nagdadaing dahil di sila naabutan ng pagkain.

BUNKHOUSE PARA SA BAKWIT

Labuyo devastates Aurora province. Photo from the Armed Forces of the Philippines.

Labuyo devastates Aurora province. Photo from the Armed Forces of the Philippines.

Ito ang lagay ngayon ng ilang bayan sa Aurora province pagkatapos sumalakay si Bagyong Labuyo nung nakaraang linggo. Sa panahon ni Bagyong Pablo, ubos talaga ang buong bayan ng Cateel. Pati ang evacuation center ay giniba ng bagyo. Walang masilungan ang mga tao. Kinakailangan ng agarang matirahan.

Ilang bunkhouse ang maaring itayo sa perang ninakaw ng baboy?

Ayon sa DSWD, ang halaga ng isang bunkhouse sa Compostela Valley ay P70,000.  Halos 143,000 na bunkhouses ang pwedeng maitayo sa P10 billion.

GAMOT SA TB

Anti-TB drugs. Photo from abs-cbnnews.com

Anti-TB drugs. Photo from abs-cbnnews.com

100,000 TB treatment course ang maaring mabili ng ninakaw na pondo.

Ayon sa World Health Organization ang buong gastusin sa pag-papagaling ng isang pasyenteng may TB ay US$3613 noong 2012.

Mababa ang presyo ng gamot laban sa TB.

Pero karamihan ng pasyente ay nangangailangan ng mga mamahaling antibiotic para malunasan ang malalang infection sa baga at ibang parte ng katawan na kadalasang sumasabay sa TB.

Kailangan din ng bitamina para sa mga pasyente. At dahil pahinga ang isang mahalagang parte ng solusyon, at kadalasan ang kailangan ding mabigyan ng gamot ang ibang myembro ng pamilya, mahalaga ang direktang ayuda.

Ang TB ay isang madaling magamot na sakit. Pero dahil sa komplikasyon na dulot ng kahirapan, pang anim sya sa pinakamadalas na dahilan ng kamatayan.

Sa bawat araw, 73 na Pilipino ang namamatay nang dahil sa TB and mula 200,000 hanggang 600,000 ang nasa listahan ng may active o nakakahawang TB.

DIREKTANG AYUDA

28,248 na pamilya sa Metro Manila ang mabibigyan ng isang taong cost of living na gastusin kung ibabase sa P971 na datos na binigay ng National Labor Commission noon pang 2008.

Ibang usapin pa ang katotohanang halos kalahati lang ng cost of living ang minimum wage sa NCR — at halos kalahati din lang ng mga kumpanya ang sumusunod sa minimum wage. Pero isipin mo na lang. Ang isang mahirap na tao na wala halos maipapakita sa kasipagan nya ay siguradong magagalit sa paglulustay ng pera ng bayan.

CLASSROOM

Mga core classroom sa Cordillera Autonomous Region. Photo from DepEd CAR

Mga core classroom sa Cordillera Autonomous Region. Photo from DepEd CAR

Ayon sa mga datos na galing sa Department of Education, ang isang maayos na classroom ay nagkakahalaga ng P600,000. Mahigit 16,600 na classroom ang magagawa ng P10 billion o halos 25% ng kinakailangang 66.800 na classroom.

Taon-taon na lang nagmamakaawa ang gobyernong tulungang mapunuan ang kakulangan sa classroom. Eh ang mga taga-pasa ng badyet ng bayan ang mismong tumulong sa pagtangay ng pondo ng sambayanan.

Sa susunod na mag-sermon laban sa korupsyon ang ilang banal na tao, sagutin nyo na lang… anong ginawa mo sa tinangay ng baboy?

3 thoughts on “Ano sana ang nabili ng salaping ninakaw ng ‘baboy’?

  1. Nanayo ang balahibo ko sa pagkalaki laking pera ang ibinulsa ng mga opisyal ng bansa. ilang aklat kaya ang mabili ng perang ito para sa mga kabataaj. walang aklat po dito sa amin. kulang masyado. mga obsolete na po ang aklat.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s